top of page

Sek-youth leader: Bantay at gabay mula sa kamay ni Jonathan Garcia

Updated: Feb 21, 2020






Wari'y isang bukang liwayway kung mailalarawan ang takbo ng buhay ni Jonathan Garcia, 27, matapos ang yugto ng kaniyang nakaraan. Minsan man siyang nadapa sa buhay ay muli siyang bumangon at nagbigay pag-asa sa kaniyang kapwa gamit ang posisyon bilang school guard at youth leader ng kanilang simbahan.


Isang pinto ng oportunidad para kay Jonathan ang paglilingkod niya sa Casimiro A. Ynares Sr. Memorial National High School. Sa pagiging school guard niya, naitataguyod niya ang kaniyang pamilya at dito rin nanggagaling ang pantustos niya sa kaniyang pag-aaral.

Mahirap man ang maging isang working student ay hindi ito hadlang upang ipagpatuloy ni Jonathan ang mga naudlot niyang pangarap.


Bukod sa trabahong kaniyang tinahak, patuloy na naglilingkod si Jonathan sa kanilang simbahan bilang isang youth leader. Sa kaniyang paglaki ay natagpuan niya ang tunay na bisa ng salita ng Diyos. Nagsilbi ang church service bilang gabay ni Jonathan upang palawigin pa ang kaniyang pananampalataya at hubugin ang kaniyang sarili.


“Simula nang umattend ako ng church, mas lalong na-build ang pagkatao ko. Doon ko nakilala ang sarili ko,” ani Jonathan.

Sa kabilang banda, ang mga mag-aaral na napapalapit sa puso ni Jonathan ang naging inspirasyon niya upang muling bumalik sa pag-aaral. Dahil sa salita ng Diyos at motibasyon na hatid ng mga bata ay patuloy nang sinikatan ng pag-asa ang taong minsan nang nadapa.


“Naisip ko, yung mga nakaka-close ko ritong mga bata, nawawala, nagmo-moving up tapos ako nandito lang. Kaya doon ko nakita na dapat mag-aral ulit ako,” wika ni Jonathan.

Gamit ang mga aral na bunga ng kaniyang paglilingkod sa kanilang simbahan, ginagabayan ni Jonathan ang mga batang lumalapit sa kaniya dala ang kanilang mga problema. Sa loob ng kaniyang mga payo ay matatagpuan ang paghahangad na ang nakaraang kaniyang dinanas ay hindi na sana marananasan pa ng kabataan sa kasalukuyan.


Maituturing na ang dalawang tungkulin ni Jonathan ang tumayo bilang bukal ng kaniyang pag-asa. Matatanaw na ang seguridad na handog niya sa paaralan ay tila kapares ng pagbantay niya sa kinabukasan ng mga kabataan sapagkat, ang aral mula sa Diyos na kaniyang ibinabahagi ang nagsisilbing liwanag na gagabay pa sa mga magdadaang henerasyon. -Patricia Yumol/AngSipol2020online.com

159 views0 comments

Comments


bottom of page