top of page

Palengke ng Anomalya


Halos isang dekada nang binabalot ng anomalya ang pagtatayo ng Taytay Bagong Palengke, subalit kaunti pa lamang ang mga negosyanteng Taytayeños na nakagagamit nito, sapagkat hanggang sa ngayo’y hindi pa tapos ang pagtatayo nito.


Bilang paglilinaw, nitong Setyembre binuksan na ang unang palapag ng palengke at kasalukuyang ginagawa pa ang ikalawa’t ikatlong palapag , kasabay na rin nito ang pagka-ungkat ng samu’t-saring mga isyu hinggil sa napakatagal na panahong ginugol para rito.

Kaugnay nito, matatandaang paulit-ulit ang pagsasaayos nito, dahil mula noong 2010, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Joric Gacula, ilang beses nang nasunog ang palengke.


Ayon pa sa dating tindera na si Aileen Sanvictores, hanggang ngayon ay hindi pa rin tukoy kung may kaso ng arson dito, dahil ayon sa mga dating nagtitinda roon ay may ilan pang mga naitalang sunog bago ang malaking insidente.


Higit pa rito, ayon kay Sanvictores, kinakailangang magbayad ng P100, 000 – P350, 000 upang magkaroon ng puwesto rito kahit pa dati ka nang miyembro.


Sa aking palagay, ang pagtatayo ng Bagong Palengke ay naglalayong mabigyang trabaho at hanapbuhay ang mga taga-Taytay, kaya naman masasabi kong hindi kakayanin lalo na ng mga ‘small business owners’ ang ganito kalaking halaga ng puwesto.


Isa pa, matatandaang naudlot ang pagpapagawa ng tatlong palapag na gusaling ito dahil sa akusasyon ng Commission on Audit (COA) na hindi naayon sa Section 305 Republic Act 7160 o Local Government Code ang ginawang paggamit sa 15% ng kabuuang badyet na P170 milyon kung saan ang P25.4 milyon ay hindi umano napunta sa proyekto.


Gayunpaman, pinabulaanan ito ni Gacula at sinabing, “nung pinatingnan namin ‘yan sa Ombudsman, sinabi nila na hindi totoong depektibo ‘yung kontrata at pinayagan kaming ituloy na ‘yung construction nito.”


Sa kasalukuyan, ayon kay Gacula, wala nang kinahaharap na problema ang proyekto kung kaya’t na sinasabing maayos ito. Ang nakakapagtaka, kung gayong ayos ang lahat ng salik maging ang kontrata, bakit hanggang ngayo’y hindi pa rin ito tapos at hindi pa nabubuksan nang buo sa publiko.


Sa huli, sapat na ang halos isang dekada ng paggamit ng pagtatayo ng bagong palengke sa kasamaan dahil oras na upang mapaglingkuran ang mga mamamayang umaasa na magkakaroon ng mas maayos na hanapbuhay sa tulong ng pamahalaan.

18 views0 comments

Comentários


bottom of page