top of page

Pagpatay ng Pamahalaan


Sa kabila ng kagustuhang iangat ang mga napag-iiwanang Pilipinong magsasaka, lalo lamang naghihirap ang buhay ng ating mga kababayan dahil sa mga eksperimentong batas gaya na Rice Tariffication, kung saan patuloy na isinusugal ng pamahalaan ang namamatay na industriyang agrikultura sa bansa.


Bilang paglilinaw, ang Rice Tariffication Law o ang Batas Republika 11203 ay ang nagtatanggal sa restriksyon o limitasyon ng pagtanggap ng imported na bigas ng ating bansa, sapagka’t ito ang nakitang solusyon ng pamahalaan upang makontrol ang pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa kaugnay ng hindi umanong inaasahang naging kakulangan sa suplay nito.


Kung susuriin, ang pangunahing epekto ng batas na ito’y ang pagbagsak ng presyo ng palay dahil binaha ng imported na bigas ang lokal na merkado kung kaya’t patuloy na natatabunan ang presyo ng lokal na palay sa bansa.


Kung iisiping mabuti, isang maling akalang maituturing ang pagsasabatas ng Rice Tariffication Law para matulungan ang mga naghihikahos nating magsasaka sapagkat ito ang naging dahilan upang mapilitan silang babaan ang presyo ng kanilang produkto.


Isa pa, hindi maikakaila na mas mura ang bentahan ng mga dayuhang bigas dito sa ating bansa kumpara sa lokal na bentahan, kaya naman, ang mga mamamayan bilang mga praktikal na mamimili ay mas pinipiling bilhin ang mas abot-kaya kahit pa ito'y bigas mula sa ibang bansa.


Dagdag pa rito, sa baba ng presyo ng bigas halos ipamigay nalamang ito sa kabila ng ilang araw-araw na pagpapakahirap sa ilalim ng matirik na araw upang kitain lamang ang kakarampot na halaga na patuloy pang ipinagkakait ng pamahalaan sa mga magsasakang Pilipino.


Gayundin, ipinamumukha ni Senator Cynthia tila isa siyang bayani ng mga Pilipinong magsasaka na magliligtas sa kanilang kahirapan, ngunit sa ilalim ng maskara niyang ito’y isang mang-mang na lider na walang sapat na kakayanan at kaalaman upang matulungan ang mga magsasaka.


Kaugnay nito, masyadong minamaliit ni Senator Villar ang magsasaka, na malakas lamang loob na dahil tila nagiging isang mapang-abusong senadora na ginagamit ang kaniyang kapangyarihan upang patuloy na umunlad ang sariling negosyong na sumisira lamang sa kapaligiran upang patuloy na payayamanin ang sariling bulsa habang patuloy ding niyang pinanunuod na naghihirap ang mga Pilipino na dapat sana’y kaniyang pinagsisilbihan.


Sa aking palagay, ngayong una pa lamang ay dapat nang itigil ng gobyerno ang batas na ito lalo pa't tila pinapatay lamang nito ang ating mga kababayang ni minsa'y hindi na nga naging prayoridad ng pamahalaan.


Sa katunayan, maraming mga magsasaka ang nawawalan na ng pag-asa sa industriya ng agrikultura sa bansa, lalo pa’t tila mas pinapaburan pa ng pamahalaan ang imported na bigas kahit pa man mayaman ang ating bansa sa agrikultura at tanging kinakailangan lamang ay tamang suporta mula sa gobyerno upang magpatuloy ang pagpapayaman dito.


Sa huli, masasabi kong tunay ang kasabihang "Magtanim ay 'di biro" lalo para sa mga Pilipinong magsasaka na hindi kailanman naging prayoridad ng pamahalaan, dahil dito'y unti-unti nilang pinapatay ang dating buhay na buhay na agrikultura at nasa kamay na ng pamahalaan ang dugo sa oras na tuluyang bumagsak ang industriyang agrikultura ng bansa sapagka’t hindi na natin maaring muli pang ibalin ang sisi sa mga Pilipinong magsasaka dahil sapat na kanilang naging paghihirap para lamang maitaguyod ang kanilang kabuhayan.

10 views0 comments

Comments


bottom of page