top of page

P170-M Palengke natengga dahil sa report ng COA

Updated: Feb 21, 2020




Nanatiling magulo at hindi pa naipapaayos ng Taytay Local Government Unit (LGU) ang Building A ng Bagong Palengke sa kabila ng P170 milyon pondo na inilaan para sa pagpapagawa nito.


Ayon sa audit report ng Commission on Audit (COA) naudlot ang pagpapagawa ng tatlong palapag na gusali dahil sa akusasyon ng COA na hindi na ayon sa Section 305 Republic Act 7160 ang ginawang paggamit sa 15 porsyento o P25 milyong badyet.


“Nung pinatingnan namin ‘yan sa Ombudsman, sinabi nila na hindi totoong depektibo ‘yung kontrata at pinayagan kaming ituloy na ‘yung construction nito,” pahayag ni Taytay Mayor George Gacula noong nakaraang taon.

Matatandaang sinabi ng LGU na ipagpapatuloy ang pagpapagawa nito noong 2018 matapos mahinto ang pagpapagawa nito dahil sa reklamong ilegal ang kontrata sa pagpapatayo ng gusali noong 2015.


Gayunpaman, hindi pa rin nagbago ang lagay ng palengke simula ng payagan ng Ombudsman na ipagpatuloy ang pagpapatayo sa Building A noong nakaraang taon.


Itinanggi naman ni Gacula ang mga alegasyong mahina ang pundasyon ng nasabing gusali at wala namang nakikitang mali rito.


“Nung kumuha tayo ng mga private engineer, wala namang nakita na mahina sa foundation at design ng building kaya tinuloy na natin,” paliwanag ni Gacula.

Hindi naman ito ikinagulat ng mgaTaytayeños at sinabing hindi na bago ang ganitong uri ng mga isyu sa Taytay.


Sa isang panayam, sinabi ni Irene Mendoza, isang Taytayeño na makikita naman sa gusali na marami pang kailangang ayusin.


“Wala na tayong magagawa. Ang iniintay na lang diyan ay kung kailan matatapos ang pagpapagawa at kung kailan ‘yan mabubuksan,” wika ni Mendoza.

-Kaliegee Jardinico/AngSipol2020online.com

12 views0 comments

Comments


bottom of page