top of page

Krisis sa produksyon ng palay, idinadaing ng mga magsasaka

Updated: Feb 21, 2020


Kinokolekta ni Eduardo Jose, magsasaka ang mga tinanim niyang mga palay sa Tanay,Rizal noong ika-20 ng Disyembre 2019.




Idinaing ng mga magsasaka ang napakababang presyo ng palay ngayong taon kung saan bumagsak na sa halagang pitong piso, kumpara sa P19 noong nakaraang taon.

Ayon kay Municipal Agriculturist Miriam Fernan, nakakaapekto ito sa produksyon ng palay sa buong bansa dahil maraming magsasaka na ang huminto sa trabaho dahil sa malaking lugi sa kita ng palay.


“Talagang apektado na ‘yung mga farmers natin. Dati, P17 to P19 ang kilo ng palay. Ngayon, umaabot na siya ng P10, minsan, bumababa pa ng syete per kilo,” pahayag ni Fernan.

Sa kabilang banda, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas ang crop output ng bansa mula sa 45.2% nadagdagan ng dalawang porsyento, samantalang bumaba naman ng 4.53% ang mga aning palay.


Gobyerno, umaaksyon sa isyu


Kaugnay nito, inatasan na ni Agriculture Secretary William Dar ang National Food Authority (NFA) na ibenta na sa merkado ang mga natitira nitong bigas upang madagdagan ang pondong ibibigay sa mga magsasaka.


Sa isang pahayag, sinabi ni Dar na layunin ngayon ng ahensyang mabigyan ng malaking pondo ang mga magsasaka para sa kanilang mga pangangailangan upang maibawi ang naluging kita.


Gayunpaman, inamin ng NFA na hindi sapat ang natitirang suplay upang suportahan ang pondong kakailanganin para sa pagsasaka dahil aniya, apat na porsyento lamang ng kabuuang produksyon ng bansa ang kanilang naaangkat taon-taon.


“Sa budget na mayroon kami, ang total participation lamang ng NFA sa total production ng country is only three to four percent,” paliwanag ni Dar.

Rice Tariffication Law vs. Magsasaka


Inaprubahan na ng mga mambabatas ang Rice Tariffication Law na naglalayong mabigyan ng pautang at mga makinarya ang mga magsasaka sa pamamagitan ng P10-B pondong inilaan dito.


Gayunpaman, idinadaing ngayon ng mga magsasaka ang mga depektibong makinarya na ipinamahagi sa kanila ng gobyerno dahilan upang mamroblema ang mga ito sa pagpapatuyo ng mga palay na kanilang nasasaka.


“Yung ilan sa mga makinaryang binigay samin ng gobyerno sa ilalim ng RCEF, hindi gumagana, sira na kaya hindi na rin namin napapakinabangan,” reklamo ni Edwin Cortez, magsasaka.

Dagdag pa rito, anim na bilyong piso pa lamang ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang naipapamahagi ng gobyerno kaya magmamadali silang ipamahagi ang natitirang apat na bilyong piso bago matapos ang taon.


Sinabi naman ni Senator Cynthia Villar, naghain ng Rice Tariffication Law ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na tumulong sa pagresolba sa krisis na kinakaharap ngayon ng mga magsasaka.


“Sana madaliin natin ang implimentasyon para makinabang agad. Maibaba lamang sa 350 yung cost, competitive na agad?,” pahayag ni Villar.

-Trinity Espiritu/AngSipol2020online.com


27 views0 comments

Commentaires


bottom of page