top of page

Destruktibong Gawain

Updated: Feb 21, 2020




Tunay na nakababahala ang maaring maging sitwasyon ng bayan ng Angono kung patuloy na bibigyan ng permiso ang kumpanya na nagmimina sa lugar na kung tutuusin ay mahigit 25 taon nang nakaaapekto sa mga mamamayan dito na isang daang porsyentong hindi sang-ayon sa pagmimina na isinasagawa.


Kasalukuyang nasa proseso ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa page-eksamina ng papeles para sa panibagong 25 taon kontrata ng pagmimina sa 212-ektarya ng Concrete Aggregates Corporation na mula pa noong 1969 ay isinasagawa na ang aktibidad na ito.


Una pa lamang, nakalulungkot isipin na tila naposasan ang pamahalaan ng Angono sa pagsasagawa ng desisyon ukol sa pag-apruba ng permiso na tanging DENR ang may kapangyarihan isagawa ito na kung tutuusin ay hindi nararapat sapagkat kinakailangan isaalang-alang ang saloobin ng mga tunay na nakararanas ng negatbiong epekto na kaakibat ng pagmimina.


Ayon kay General Services Officer, Alan Bitong Maniaol, sinabi ng pinuno ng kumpanya nahindi pa nila makukuha ang lahat ng mga materyales na nararapat nilang malikom sa lupa sa loob na lamang ng ilang buwan dahil mawawalan na ng bisa ang kanilang permiso sa taong 2020.


Ngunit kung mabibgyan maaprubahan muli ang kanilang permiso, inamin ni Maniaol na hinahadlangan na ito ng mga taga-Angono dahil sa katotohanang nakapipinsala na sa kanila ang mga gawaing ito at nakababahalang pati ang kalusugan nila ay naapektuhan dahil dito.


Isa na lamang ang pagkakaroon ng sira sa pader ng kanilang mga tahanan at ang pag-alog ng lupa tuwing nagsasagawa ng pagbo-bomba sa lugar na nagdudulot ng labis na alikabok at usok.


Kung iisiping mabuti, wala dapat nakatira malapit sa lugar na isinasagawa ang pagmimina dahil sa panganib na maaring idulot nito sa kanila lalo na’t gumagamit ng mga eksplosibong materyales na isang malaking banta sa anumang malapit dito.


Dagdag pa rito, ang usok at alikabok na nadudulot ay maaring pagmulan ng malalang poluyon sa kapaligiran at malaking banta rin ito sa kalusugan sapagkat kapag ito ay nalanghap ay dumederetso sa baga, tiyak na apektado nito ang dibdib at maging sanhi ng pagkakaroon ng bronchitis o lumala ang sakit na hika.


Kaugnay nito, ang labis na pagpuputol ng puno upang mas mapadali ang pagmimina ay malaking pangamba at takot sa mga mamamayan lalo na ngayong tag-ulan sapagkat napapansin na ang mabilis na pagtaas ng baha dahil sa umoonti na ang puno na sumisipsip ng baha.


Sa katunayan, napakaraming negatibong epekto na kaakibat ang pagmimina at kung patuloy lamang itong isasagawa sa mga susunod na taon ay tiyak na magdudulot ng malaking pagbabago sa buhay ng mga mamamayan lalo na sa mga residente na nakatira malapit dito.


Sa huli, nararapat na madinig ng mga kinauukulan lalo na ng DENR ang boses ng mga taga-Angono na lubos na naapektuhan ukol dito upang hindi na matuloy ang pagmimina sa lugar.

-Kaliegee Jardinico/AngSipol2020online.com

9 views0 comments

Comments


bottom of page