top of page

Kaharian ng Ynares

Updated: Feb 21, 2020

Dibuho ni: Nico Cydric Lagunilla

Nakasasawa nang panuorin ang pamumuno ng mga political clan at patuloy na pagtatag ng kanilang ‘kaharian,’ matapos pagpasa-pasahan ang mga posisyong ginagampanan sa pamahalaan, nang muling na namang maglitawan ang pare-parehong pangalan sa halalan noong Mayo 2019.


Bilang paglilinaw, ang political dynasty o ang pulitikang dinastiya ay ang pagtatatag ng mga pamilya ng kanilang pampulitikang pangingibabaw sa pamumuno sa isang partikular na lugar upang matiyak ang posisyon ng kanilang pamilya na tumatakbo sa isang posisyon.


Isa pa, malaking bahagi ng kasasayan ng pulitika sa Pilipinas na tila nagiging isang sistema na sa bansa na hanggang sa ngayo’y talamak pa rin sa pamahalaan.


Dagdag pa rito, isa sa mga tanyag political clan ay ang mga Ynares sa lalawigan ng Rizal, nagsimulang marinig ang pangalang ‘Ynares’ noong 1952 nang maupo bilang alkalde ng Binanongnan, Rizal si Casimiro Ynares Sr. hanggang taong 1956, kasunod nito ang patakbo ng kaniyang anak na si Casimiro “Ito” Ynares Jr. bilang gobernador noong 1992 at pinalitan ng kaniyang asawa na hanggang ngayo’y gobernador na si Rebecca “Nini” Ynares.


Kaugnay pa nito, pinalitan din ni Andrea ‘Andeng’ Ynares bilang bagong alkalde ng Antipolo City ang kaniyang asawa na si Casimiro ‘Junjun’ Ynares III at sa munisipalidad naman ng Binangonan, Rizal ay nahalal bilang mayor at vice-mayor ang magkapatid na sa Cesar Ynares at Cecilio ‘Boyet’ Ynares.


Kung iisipin, nakapagtataka kung bakit walang nangangahas na kalabanin ang mga Ynares dahil noong eleksiyon ay walang katunggali si Mayor Andeng Ynares sa Antipolo at wala ring oposisyong kandidato si Mayor Cesar Ynares sa bayan ng Binangonan, dahil dito tiyak na hindi na mapapalitan ang mga pangalang naka-upo at namamahala sa lalawigan ng Rizal.


Isa pa, wala namang magagawa ang mga mamamayan sa Rizal kundi ihalal ang pangalang itp dahil wala naman katunggali ito at wala rin naman silang pagpipilian kung kay’t nagpapatuloy ang pamamahala ng mga Ynares sa lugar na ito.


Kapansin-pansin ding unti-unti nang nabubuwag ang political dynasty sa ibang lugar sa bansa, gaya nalamang nang matuldukan ni Mayor Vico Sotto sa Pasig City ang 27-taong pamumuno ng mga Eusebio sa lungsod, gayundin sa lungsod ng San Juan matapos mapatalsik ni Mayor Francis Zamora ang pamumuno ng mga Estrada sa loob ng 49-taon.


Nakapagtataka ring isang namang demokratikong bansa ang Pilipinas, ngunit namumutaktak ito sa ngayon ng Political Dynasty na kung saan tila patuloy na nilang binubuo ang kanilang 'kaharian,' kung kaya’t pinagpapasapasahan nalamang nila ang kanilang mga tungkulin sa pamahalaan.


Kung tutuusin, nakasaad sa Article 2-Declaration of Principle and State Politics, Section 26 ng 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, ang pagbabawal ng political dynasty sa bansa.


Isa pa, malinaw na ipinagbabawal ang pagkakakaroon ng pulitikang dinastiya sa bansa, dahil layon nito na mabigyang pantay na karapatan ang mga Pilipino na lumahok o bumoto para sa isang posisyon sa gobyerno, kung kaya’t nakapagtataka na hanggang sa ngayon ay may ganito pa ring sistema sa pamahalaan dahil tila hindi nagiging sapatang batas na ito upang maipamukha sa mga mapang-abusong mga pulitko sa kanilang pangalan na kinakailangang mabura na ito sa ating pamahalaan.


Kung tutuusin, matatandaang ilang beses nang sinubukang mawasakan ito, gaya nalamang ng pagsusulong ng Senate Bill No. 1580 Anti-Political Dynasty Act noong 2013, Senate Bill No. 49 Anti-Political Dynasty Act of 2016 at Senate Bill No. 1765 o ang Anti-Political Dynasty Act of 2018.


Kung iisipin, nakapagtatakang sa dami ng nagmungkahi ng panukalang ito, ngunit hindi man lang ito maisabatas dahil sa kawalan ng suporta ng ilang politiko, sapagkat maaaring natatakot ang ilang mambabatas na maaring maapektuhan ang kanilang pamamalakad sa pamahalaan at mahinto ang kanilang pagkontrol sa kanilang 'kaharian.'


Dagdag pa rito, muling naghain ng panukala si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa ilalim ng Senate Bill No. 11 ng 18th Congress, na nagsasaad ng pagbabawal ng pagtakbo ng asawa o kamag-anak ng pulitiko sa iisang probinsya.


Kaugnay nito, sana lamang ay maisabatas na ito upang tuluyan nang matuldukan ang ganitong uri ng sistema sa pamahalaan at matapos na ang paghahari ng mga pamilyang ito na tila ba’y ginagawang negosyo ang pamamalakad sa pamahalaan at patuloy lamang nagpayayaman habang ang mga nasasakupan nito’y patuloy na nagdurusa sa kahirapang kanilang nararansan.


Kung titignan, nakapagtatakang hindi pa rin nanawa ang Rizalenos sa pangalang Ynares kahit pa man masyado nang namumutaktak ang pangalang ito sa lalawigan at magpahanggang sa ngayo’y ay hindi pa rin natitibag ang kanilang pamumuno.


Isa pa, kung ikaw man ay magagawi sa Rizal, kapansin-pansin ang bawat proyekto sa lalawigan ay nakalagay ang mga katagang “Project of Ynares,’ gaya nalamang ng Ynares Covered Court, Ynares Center, maging ang proyekto ni Governor Nini Ynares na YES to Green Program na nangangahulugang “Ynares to Eco System,” hindi rin pinalampas ng mga ito ang bawat waiting shed, overpass at gusali na ang disenyo ay may nakalagay na letrang Y, gayundin ang mga silid-aralan at lalo’t higit ang paaralang Casimiro A. Ynares Sr. Memorial National High School na ipinangalan sa dating alkalde ng Binangonan.


Kung iisipin, tila ipinamumukha sa mamamayan ng Rizal na mayroong pag-unlad ang lalawigan sa ilalim ng kanilang pamumuno, sa pamamagitan ng pagdidikit ng kanilang pangalan sa proyekto na kung tutuusin ay wala naman naman silang naiambag dahil nagmumula naman ang pondo sa buwis ng mamamayan at walang karapatang ipagkalandakan ang mga proyektong ginagawa dahil isa ito sa kanilang responsibilidad bilang isang lider.


Dagdag pa rito, kinasuhan si dating Rizal Governor Casimiro Ynares Jr. ng paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, matapos akusahan ng pagbili ng overpriced organic fertilizers.


Kaugnay pa nito, noong Nobyembre 2004, mahigit 1,266 na bote ng organic fertilizers na nagkakahalaga ng 1,500 pesos bawat isa, ang binili ng pamahalaan ng Rizal na tunay na nagkakahalaga lang naman ng 176 pesos kada isang bote, nakapatataka kung saan napunta ang mahigit 1.676 milyon halaga ng perang inilabas kung binibenta ang produktong ito sa mas mababang presyo.


Gayundin, hindi rito huminto ang ganitong pamamalakad dahil muli na naman itong naganap noong Marso 2005 sa ilalaim ng pamamahala ni Gov. Casimiro Ynares Jr., matapos muling bumili ng 1,189 bote ng sinasabing organic fertilizer nagkakahalaga ng 1,500 pesos kada isa, kung kaya’t muli na namang nawawala ang 1.561 milyong piso.


Kung iisipin, kitang kita naman ang ginagawang paglapastangan ng dating gobernador na ito sa kaban ng lalawigan ng Rizal na sana’y nakatulong nalamang sa pagpapaunlad at pagtulong sa mga pamilyang naghihirap sa Rizal.


Sa kabilang banda, may mga nagawa naman ang mga Ynares sa lalawigan ng Rizal ngunit kasabay naman nito ang pagyayaman ng pamilyang Ynares at ang paghihirap ng mamamayan sa Rizal.


Gayunpaman, kinakailangang matikman ng mga mamamayan sa Rizal ang pagbabago ng liderato na kung saan ay talagang may malasakit sa lahat ng Rizalenos at hindi lamang sa sarili nitong pamilya dahil hindi naman nararanasan ng mga ito ang pamumuno ng ibang lider dahil hindi nabibigyan ng oportunidad ang ibang tao na subuking pamahalaan ang lalawigan ng Rizal.


Sa huli, sana’y tuluyan nang mabura ang ganitong sistema sa bansa at mamulat ang mata ng bawat mamamayan sa nabubuong 'kaharian ng mga pamilyang nang-aabuso sa kanilang kapangyarihan sa ilalim ng sinasabing “serbisyo at panglilingkod” ng mga ito para sa bayan, dahil ang katotohanan, patuloy na naghihirap ang mamamayan habang ang mga ito’y patuloy ang pag-unlad sa pagpapasa-pasahan ng kapangyarihan na tila ba’y ginagawang monarkiya ang sistema ng pamamahala sa Pilipinas

808 views3 comments

Recent Posts

See All

3 Yorum


Jessie May Pinlac
Jessie May Pinlac
26 Şub 2020

Kaya sila pa rin binoboto ng mga tao hanggang ngayon dahil magaling at maganda pamamalakad nila.. Siguro kung meron man hindi sumasang ayon sa kanilang pagiging lider eh hindi talaga laking rizal.. Di ka naman pagsasawaan ng tao kung satisfied sila sa mga gawa mo.

Beğen

Ruben Palencia
Ruben Palencia
26 Şub 2020

Eh Bakit naman ang presidente. Hindi ba ang mga anak niya eh politiko rin. Bat niyo pinapansin kung effective naman ang pamumuno.

Beğen

Anton Mandigma Jr.
Anton Mandigma Jr.
26 Şub 2020

Bakit ito Pami-pamilya ang pumapasok sa Pulitika. Tulad din ng mga Binay


Beğen
bottom of page