top of page

Binuburang Kasaysayan

Updated: Feb 14, 2020



Unti-unting binubura ng pamahalaan ang Indigenous People (IP) sa bansa, dahil maging ang kanilang mga pag-aari ay sinisira at inaagaw nang walang pahintulot at hindi man lang dumaan sa legal na pamamaraan dahil matagal nang naaabuso ang mga katutubo sa kasaysayan ng bansa.


Bilang paglilinaw, ipatatayo ang Kaliwa Dam sa Probinsya ng Rizal at Quezon na magiging pangunahing pagkukunan ng tubig sa lunsod ng National Capital Region partikular na sa Quezon City, Taguig, Pasig at iba pa, gayundin ang lugar na pagtatayuan ng nasabing dam ay pagmamay-ari ng tribong Agta-Dumagat-Remontado.


Ayon kay G. Adorable F. Sunga, representante ng Tanay, Rizal, ang lugar kung saan itatayo ng pamahalaan ang dam ay kasalukuyang tinitirahan ng mga Dumagat at malaking tulong ito sa ekonomiya ng kanilang bayan sapagkat isa itong tourist spot at isa sa pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga nakatirang Dumagat doon.


Gayundin, nakadidismayang sinisira ng pamahalaan ang tirahan at hanapbuhay ng mga katutubong tao, imbis na protektahan ang mga ito, ang pamahalaan pa ang nagsasanhi ng ganitong uri ng gawain.


Sa katunayan, nakapagtatakang sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rorigo Duterte ay 85% ng 12.2 bilyong piso rito ay bansang China ang gagastos at nangutang pa ang Pilipinas para sa konstruksyon ng nasabing dam.


Kung iisipin, binubulag na naman ng China ang bansa sa pamamagitan ng kanilang pera sa kabila ng kanilang pang-aabuso sa teritoryo ng ating bansa.


Isa pa, ang Global Utility Development Corporation, isang Japanese na kompanya ay may planong mas mababang dam ang itayo, na may taas na pitong metro na kayang magbigay ng 550 milyong litro kada araw na di nalalayo sa 600 na plano ng China.


Kung susuriin, hindi rin nito maaapektuhan ang mga IP, dahil mas mababa ang taas nito kung kaya’t hindi kinakailangang paalisin ang nakatira rito at hindi ito makasisira ng kalikasan.


Dagdag pa rito, tatlo sa cluster ng Rizal at lima sa Quezon ang hindi pumayag sa planong ito, base sa Republic Act No. 8371 of 1997 Chapter III of Rights to Ancestral Domains Section 5, na anumang pag mamay-ari ng IP ay hindi maaaring galawin ng pamahalaan nang walang pahintulot upang maprotektahan ito.


Kung titignan, pamahalaan pa ang lumalabag sa batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga IP na dapat sana’y pahalagahan dahil sa kanilang mayaman na kultura at tradisyon na kinakailangang mapreserba para sa susunod na henerasyon.


Bilang paglalahat, sana’y mabigyan ng sapat na pansin ang mga IP dahil sapat na ang kanilang paghihirap sa ilalim ng kamay ng isang mapang-abusong pamahalaan.


57 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page