top of page

Butas ng Karayom

Updated: Feb 18, 2020



Isang malaking hamon sa sipag at tiyaga ng mga School Paper Adviser lalo na sa mga batang mamamahayag ang bagong lunsad na JournEd Project sa Rizal, sapagkat lingid sa kaalaman at karanasan ng lahat, na sa likod ng mga gantimpalang natatanggap ng Casimiro A. Ynares Sr. Memorial National High School (CAYSMNHS) ay dugo’t pawis ang inilaan nila para rito.


Bilang paglilinaw, nitong taon lamang ay naparangalan ang ating paaralan bilang “Sentro ng Pamamahayag” sa buong Rizal, gayundi’y sa kamakailang 2019 Division Schools Press Conference ay inilunsad ni G. Richard Brian Tutor, Tagapamahala ng Special Program for Journalism (SPJ) at Tagapayo ng Ang Sipol, ang aprubadong JournEd Project, na naglalayong matulungan ang bawat isang distrito sa Rizal upang magkaroon ng SPJ kurikulum.


Sa katunayan, 35 na paaralan sa buong lalawigan, 13 high schools at 22 elementary schools, ang binigyang pribelehiyo upang magkaroon ng nasabing kurikulum.


Gayumpaman, ipinaliwanag ni Tutor na hindi maaring gayahin ng mga paaralang ito ang kurikulum na ginagamit ng CAYSMNHS, sa halip ay magsisilbi lamang itong kanilang pamantayan upang gumawa ng sariling bersyon nito.


Kaugnay nito, paniguradong mahihirapan silang itaguyod ang kalidad na edukasyon sa pamamahayag, sapagkat kinakailangan ding sumailalim sa mga seminar ng mga School Paper Advisers nang sa gayon ay may pundasyon ang ituturo sa mga mag-aaral.


Dagdag pa rito, ang campus journalism ay maituturing na eksklusibo at hindi gaanong popular kumpara sa mga asignaturang agham, matematika, at ingles kaya naman siguradongmahahati ang interes ng mag-aaral.


Gayundin, ang inaasahang tagumpay pati na ang kinabukasan ng mga kabataang sasailalim dito ang nakadepende sa anumang eksperimentasyong kanilang gagawin.


Sa totoo lamang, tatlo pa lang sa buong bansa at sa rehiyon ng CALABARZON ang kinikilala sa pagkakaroon ng SPJ, partikular na ang Tanza Comprehensive High School sa Cavite, Quezon High School sa Quezon Province, at CAYSMNHS sa Rizal.


Sa kabilang banda, ang mga sasailalim sa nasabing proyekto ay madiing babantayan nina G. Tutor at Bb. Joy Avelino, SPA ng The Echoes, upang magsilbing gabay sa mga ito.


Kung iisipin, malaking tulong ito para sa mga paaralan sa Rizal dahil naging bukas ang CAYSMNHS na makipagtulungan upang mapaunlad ang journalism sa Rizal dahil ito ang isa sa tunay na layunin ng pamamahayag.


Sa huli, hindi nagtatapos sa paglulunsad ng JournEd ang lahat, ang mga paaralang nagkaroon ng pagkakataon ay siguradong dadaan sa butas ng karayom bago pa maging matagumpay, at kabahagi nito ang marami pang taon ng pahihirap kasama ang tapat at buong pusong pagsasabuhay ng tunay na layunin ng pamamahayag.



44 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


bottom of page