top of page

Karera ng buhay: Pagpupunyagi ni Ondillo patungo sa Tagumpay

Updated: Feb 21, 2020


Pagsabak ni Andrej Ondillo,16 sa mundo ng circuit racing na nag-uwi ng 2019 Golden Wheel Award sa kamakailang Carera Grande sa Clark Pampanga noong ika-8 ng Pebrero 2020.



Naging parte na ng buhay ng bagitong karerista na si Andrej Ondillo ang ingay ng tambutso at kalansing ng mga piyesa ng motor simula nang pasukin niya ang mundo ng circuit racing.


Baguhan man sa pinasok na larangan, kasing bilis naman ng kanyang motor ang pag-angat niya sa isport na napili sapagka’t hindi tulad ng iba, patuloy lamang ang kaniyang pagmamaneho patungo sa linya ng tagumpay.


Lumaki sa pamilya ng mga karerista ang Caysmerinian na si Andrej kung kaya’t walang humpay na suporta ang natatanggap niya sa mga magulang tuwing sasalang sa karera.


“Wala na akong dahilan para hindi galingan sa mga laban ko kasi binigay na nila sa akin lahat ng kailangan ko pati yung suporta. Kaya tuwing lumalaban ako, ganado ako,” saad ni Ondillo.

Sa katunayan, kamakailan lamang ay nagkamit si Ondillo ng parangal sa 2019 Golden Wheel Award at hindi akalain na sa edad na kinse anyos ay makasusungkit siya ng ganoong kataas na parangal.


Ayon sa kanya ay hindi lamang niya sariling karangalan ang mga nakamit sapagkat itinuturing din niya itong karangalan ng paaralan at ng kaniyang magulang na palaging naroon sa kaniyang tabi at nakasubaybay sa kaniya.


Mula sa bayan ng Taytay, dumadayo si Ondillo sa iba’t ibang lugar tulad ng Cavite, Pampanga, Batangas at Tarlac upang lumahok sa mga kompetisyon at mas pagbutihin ang kaniyang sarili.


“Madalas sa kalsada lang ako nagtetraining pero yung proper sa mga racing circuit talaga tulad ng sa Pampanga,”ani Ondillo.

Kailanma’y hindi naging hadlang ang pagkarera ni Ondillo sa kanyang pag-aaral sapagka’t tuwing Sabado at Linggo lamang nito isinasagawa ang pag-eensayo .


Bukod sa mga tropeyo, parangal, pera at oportunidad, pinakamahalaga sa lahat ng kaniyang natatamo sa pagkarera ay ang pakikisalamuha sa kapwa karerista at ang pagkakaroon ng maraming kaibigan.


Isang patunay si Andrej na walang patutunguhan sa buhay ang siyang tumitigil sa pagmamaneho patungo sa tagumpay kung kaya’t hindi na lamang ingay ng tambutso at tunog ng mga piyesa ang kanyang naririnig at natatamasa kung hindi ay pati na rin ang tunog ng kumakalansing na medalya at ang kinang ng mga tropeyong nakamit niya dahil sa kaniyang pagsusumikap. -Kyla Renee Sapno/AngSipol2020online.com


210 views0 comments

Comentarios


bottom of page