top of page

Psoriasis ni Mary Joy: Kapansanang tila Hindi na Maalis

Updated: Feb 18, 2020


Nakikibahagi sa naturang Earthquake Drill si Mary Joy Cabututan, 18 sa paaralan ng Casimiro A. Ynares Sr. Memorial National High School noong ika-22 ng Agosto 2019.



Sa kabila ng kaniyang kapansanan, patuloy na iniinda ni Mary Joy Cabututan, 18 taong gulang, ang kaakibat na sintomas ng pagkakaroon ng ‘psoriasis’ alang-alang sa kaniyang mga pangarap na nais abutin.


Kapansanang Kinalakihan

Isang buwan matapos isilang, napansin na ng kaniyang ina na si Imelda Cabatutan, 53 anyos, ang pagkakaroon ng sugat sa balat ng kaniyang anak.

“Nung una, na-inpeksyon lang siya sa pusod hanggang sa lumala na, kumalat at umabot na sa braso niya, [tapos ang] binibigay lang sakaniya noon anti-biotics lang.” kwento pa niya.

Makalipas ang ilang taon, nakumpirma nila na ‘psoriasis’ na isang kapansanan sa balat ang mayroon si Mary Joy na hanggang sa kasalukuyan ay kaniyang pilit na nilalabanan.


Upang bigyang linaw, ipinahayag ni Dr. Jeffrey Roxas, Municipal Health Officer, na ang psoriasis ay ang “mabilis na pagtanda ng balat na hindi angkop para sa edad ng isang tao.”


Ayon pa sa kaniya, ang isang tiyak na subset ng T lymphocytes (isang uri ng puting selula ng dugo) ay hindi pangkaraniwan na nagdudulot ng pamamaga sa balat pati na rin sa iba pang bahagi ng katawan.


Dagdag pa rito, ang mga selula na ito ay gumagawa ng mga nagpapamagang kemikal na nagdudulot ng pagdami ng skin cells pati na rin ang paggawa ng mga pagbabago sa maliliit na blood vessels sa balat, na nagreresulta ng psoriasis.


Sa kasalukuyan, hindi pa nakatutuklas ang mga eksperto ng gamut upang tuluyan na mabigyang lunas ang pagkakaroon nito.


Sitwasyong Nakasanayan

Ayon kay Mary Joy, mulat na siya sa katotohanang hindi magiging normal ang pakikitungo sa kaniya ng karamihan dahil sa kaniyang panlabas na anyo.


Sa paaralan, nakararanas siya ng pangangati dahil sa labis na pagpapawis lalo na ngayong tag-init at sa katotohanang umaabot sa 60 estudyante ang isang silid-aralan.


Inilahad din niya ang mga pagkakataon na nabu-bully siya ng mga kamag-aral mula pa noong elementarya dahil sa mga sugat na mayroon sa kaniyang katawan at hindi angkop ang edad para sa baitang niya.


Gayunpaman, nais pa rin niya ipagpatuloy ang pag-aaral upang makapagtapos at makamit ang kaniyang pangarap na maging isang mahusay na ‘chef.’


Sa huli, anumang balakid ang kaharapin ni Mary Joy, hindi niya ito tinitingnan bilang dahilan upang mawalan ng pag-asa sa buhay at magpatuloy sa pag-aaral kahit na nagiging mahirap sakanya ang pakikipagsapalaran dahil sa kaniyang kapansanan.



33 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page